You are currently browsing the monthly archive for Hulyo, 2008.
Mga prends kakandirit muna si Pokwang ha. Pagbalik ko marami na namang kakulitan – pramis. Ito kasi si Pilosopo Tasyo eh nagyayang mamasyal – eh yan pa naman hilig ko. Kaya sige .. hanggang sa susunod
kandirit ..kandirit…
Dito sa Alemanya sistematik ang buhay. Organized ika nga — pero minsan madalas over na talaga. Gaya kanina, punta ako sa park, wala lang medyo kailangan ko ng konting sariwang hangin eh. Eh dito lang naman yan sa tapat namin so medyo larga, larga na ako.. May traffic light don eh kaso pula, so dapat antay muna ako. Aba ang tagal tagal ko nang nag-aantay wala namang kotse bakasyon kasi. So naisip ko mukha naman akong timang don, wala namang kotse, wala namang tao o bata (kasi po nakasulat don sa traffic light – para sa mga bata wag mag jay walking) common sense di ba? so tawid na ako. Aba nakita pala ako ni Lola. Waaa! ayan na po, nasita tuloy ako.. at super sermon si lolo…blah blah blah.. Sabay binigyan pa ako ng sign yung may ibon sa ulo ? ha bakit naman may ibon sa ulo?? Ibig sabihin non eh parang sa tin , maluwag tornillo.. Eh ang weird talaga kaya follow the rules lang na lang nga , kahit minsan no sense, kagaya nitong susunod na kwento.
So ayon nasa park na ako gusto ko sanang pumunta don sa damuhan at umupo, kaso nagulat ako ..asar talo! di ata ito araw ko .. kasi nakalagay don sa damuhan “do not enter between 13:00 -15:00 pm” bakit naman? (kasalukuyang 13:30 non) nakngbawang! bakit?? eh gusto siguro magpahinga ng mga damo sa ganyang oras.? di ko maintindihan.. pambihira! gusto ko sanang i deadma na lang. kaso si lolo at lola nasa likod ko, mukhang binabantayan ako. kaya wala na nawalan na ako ng gana . maka uwi na nga!
Pero di lang yan minsan madalas asar na rin tong mga aleman sa kanilang ka aleman. Pano ba naman daming che che boretche. Yung kakilala ng kakilala ko eh yung anak walang pangalan sa birth certificate, 3 taon na halos. Pano ayaw tanggapin ng city hall pangalan niya, Randy gusto ng mga magulang – sabi ng city hall – di raw ma di- distinguished kung babae o lalake. kaya ayaw nila yung pangalan, baguhin daw. Kaya ayon nasa walang kamatayang labanan sa husgado, 3 taon na! Samantalang yung mga kapitbahay at kaibigan ko eh pangalan ng aso or pusa eh Sandra, Oskar, Manny, Lisa at Max. Dapat bawal rin yon kasi di ba, pang tao yon? di mo yan ma d-deny!
Sana naman eh na missed niyo si pokwang nitong mga huling araw.. pano dami kong mga gawain dito sa bahay. sunod – sunod ang mga bwisita bisita. Dito kasi sa Alemanya eh ang gimmick lutuan, mahal kasi sa restowrant noh! Pag ikaw ang inimbita sa susunod ikaw naman ang iimbita. Kaya ayan panahon na ng bayad imbitahan. Aba halos araw araw kain sa labas este loob pala ng bahay. Pero kung akala niyong ganyan lang kasimple yan eh hindi po. Wish ko may isang Inday ako na pwedeng sabihan. Ah Inday may bisita tayo, sige mamalengke ka na, at lutuan mo ako ng kare-kare, crispy pata, adobo, leche flan at ube halaya. Nakupo wala nyan kaya ako lahat – pamamalengke, maglinis, maghugas at mag entertain. Madugo yan sa totoo lang.
Dapat planado ang ulam. Pano itong mga aleman na kakilala at kaibigan ko eh takot sa bawang. Ba naman nung bago bago pa ako dito eh di ko alam yan, tadtaran ko ba naman ng bawang yung adobo, sarap non di ba? Syempre ayaw ni Pilosopo Tasyo (mister ko ) na ma offend ako so kinain niya pero pagkatapos kainan usapang seryoso kami. Sabi nya pramis ko raw di na ulit mauulit yon, kasi baka mawalan siya ng trabaho. Pano iiwan na raw siya ng mga kliyente nya dahil sa bawang breath niya.
- Totoo talaga yan, eto nangyari sa kin minsan. Kakapapasok ko plang sa trabaho, lunes yon, umpisa na ng trabaho, nasa pintuan palang ako nakita ko boss ko sa kabilang dulo
Pokwang: Magandang umaga!!! (ang masaya at masigla kong bati)
Bosing: (eto ang bulaga nya sa kin!) Ay naku Pokwang, kumain ka ng bawang kagabi no??!!
Pokwang: (tsk..tsk.. tsk mukhang di nadaan sa ligo, doublemint, colgate at listerine. tindi ng bawang na to, bad trip) Ah ..eh… oo nga naku sorry ha ( pambihira naman, deadly sin talaga to)
- Eh wala naman akong choice alangan namang mag sick leave ako dahil sa bawang noh ..punta ako ngayon sa colleague ko eh kailangan nya raw ako..
Pokwang: (habang pasimpleng takip sa bibig kasi baka sumingaw ang bawang breath ko) Ah Sandra, gusto mo raw ako kausapin?
Sandra: huh?? (bigla nag bago anyo niya) .. ah…hmmmm (sabay pa simpleng takip sa ilong) emmm (sabay iwas tingin) pwede sa ah .. eh .. (isip isip sya) huwebes na lang. busy ako ngayon eh (parang binilang nya ilang araw bago mawala amoy bawang ko)
- Minsan naman sakay ako sa train syempre naman sarap ng tanghalian ko non – adobo of course naimbita lang ng kabayan.
Pokwang: (sabay pasok sa train ) Aaaahhhh aaaaa aaachhoooo!!! (nakupo napasabog ang deadly bawang breath ko!)
Mga pasahero: .. (sabay lingon sa kin at sabay dahan dahang usog sila sa kabilang dulo)
Pokwang: (pambihira feeling ko dito nasa komersyal ako ng rexona, it’s me they’re talking about!)
Kaya ngayon kain lang ako ng bawang pag byernes (kasi naman may sabado at linggo pa), long weekends at pag bakasyon. Eh dyan sa inyo kung nasan man kayo, ok lang ba kumain ng bawang ?
Mukhang daming naaliw sa king Kamustahan ala Pinoy na post. Na inspire tuloy ako mag post ulit.
- Paminsan minsan dito sa Oyropa eh may mga nasasalubong akong mga Pinoy. Mga pagkakakataong di naman maiiwasan pero alam nyo naman tayong mga Pinoy nagkakalat ng lagim san pa mang parte ng daigdig.
- Minsan sa isang fiesta sa aming barrio….
Pokwang: Ah hello po, Pilipino rin po ako.
Aling Rosario: Ah ganon ba, kala ko intsik ka, eh anong ginagawa mo dito? (sabay tingin sa kin mula ulo hanggang talampkan) bakit ka nandito? (sabay tingin na naman sa kin mula talampakan hanggang ulo) anong trabaho mo dito? (mukhang ina-antay niyang sabihin ko tnt ako dito)
Pokwang; (hello, parang wala ata akong karapatan mapadpad dito sa alemanya ah) Eh hostess ho ako dito.. bwaahahahahahah
- Namasyal kami sa Rome, daming Pinoy don di ba kaya nga mayrong Milan na movie. Napa-upo ako sa isang park. May pinay na nakaupo don
Aling Maria: Ekskyus me lang ha, nakita ko ingles libro mo. Pinay?
Pokwang: Ah oho pinay na pinay (bakit kaya di niya ko tinanong, american- kasi ingles di ba?)
Aling Maria: Anong ginagawa mo dito? San ka dito? Bakit ka nandito? (eto naman si Aling Maria di man lang huminga in between, hinay -hinay lang, na excite siya,bakit kaya?)
Pokwang: Eh namamasyal lang po
Aling Maria: Naknampucha, namamasyal lang! Iha ano ka ba? wag ka nang bumalik sa Pinas, hahanap kita ng trabaho dito, don sa paktorya namin kailangan pa ng taga gawa ng sintoron.
Pokwang: (kaya naman pala excited si manang, nangangailangan ng trabahador)
- O kayong mga sosyaling diyan, yang made in italy nyo , tandaan gawa yan ng masisipag na kamay ng mga pinoy!
- Bago pa lang ako dito sa Alemanya, may na meet akong Pinay sa simbahan….
Ms. Grace: Hello Pokwang, pinay ka rin pala. Kailan ka pa dito?
Pokwang: Ah oo, bago pa lang dito, 2 buwan
Ms. Grace: Ay buti naman may pinay na rito.
Pokwang: (medyo natuwa ako rito, feeling ko eh this is the beginning of a beautiful friendship)
Ms. Grace: Punta ka sa min, kailangan ko ng babysitter! Kailan ka pwede?
Pokwang: (huh?? araykopo, gagamitin lang pala ako! kala ko pa naman concerned citizen)
Hay buhay oo, aliw talaga tong mga kabayan natin. Di ko alam minsan kung tatawa ako o maiirita pero sige na nga. Pikon talo. Kaya tawa na lang.
Dito sa lugar namin sa Alemanya, marami-rami na ring mga taga Asya. May Intsik, Hapones, Koreana, taga Thailand (ano bang tawag sa taga Thailand?), Malay, Singaporean at kung saan-saan pa. Kaya naman sa dami ng mga singkit eh di alam ng mga aleman, kung taga saan nga ba ako talaga.
Minsan naglalakad kami sa town, kinausap ako ng isang mama. Tanong niya kung haponesa raw ako. In short eh gusto lang pala niya ako bentahan ng Tsa-a. Ah kaya naman pala! Di na ho, kung salabat , pwede pwede pa.
Nasa Train Station naman ako, medyo colourful porma ko non, hot pink and orange (yikes, baduy ko ata), tsaka nasobrahan ng johnson’s face powder kaya mamuti muti face ko.. Antay lang ako sa train ng bigla akong sinugod ng mga turista. Turista galing Korea- waaa. napagkamalan akong Korean, kasi naman japorms ko pang korean pala. Hay. Eh kahit na nga ba Pinoy sila, di ko rin sila matutulungan, pano di ako marunong bumasa ng mapa.
Punta naman ako ng supermarket, kailangan ko ng chinese pechay para sa pancit ko. Bayaran na at aba biglang nag small talk ang tindera – kailangan ko raw ba yung pechay para sa wok ko. Kasi di ba mga Intsik hilig raw mag wok! Ahahay! mali na naman…
Sa Iskul naman namin, barbeque-han .. konting small talk sa mga nanay at tatay ng mga chikitings. Aba bigla akong tinanong ng tatay.
Tatay: ” san ka ba sa malaysia?! “
Pokwang: Huh, sino ako??? (pambihira naman wala na bang katapusan itong mistaken nationality blues na to) Taga pinas ho ako.
Ano ba yan, bakit naman Malaysia. Labo ah. Explain ng Tatay kasi raw yung Ingles ko kakaiba- di raw napagpapalit ang F and P, V and B!(kung alam lang niya ang epport, fraktis at fawis dyan ha) Asar itong Tatay na ito ah. Pano kaya nya nalaman ang secret ng mga Pinoy.
Pero walang tatalo dito nung nasa Madrid kami. Habang naglalakad kami sa isang iskinita. Biglang may sumulpot na lalake, nung nakita niyang liliko ako bigla siyang na excite at irita at the same time, sabay sigaw.
Mama: Hoy hoy, blah, blah, blah, blah .. (spanish di ko na maalala pero na intindihan ko na rin sa aking super broken spanish) Eto sinabi niya - Hoy, bruha, san ka pupunta dito tagpuan natin! San ka ba pupunta, Dito!!!!
Yikes, hulaan niyo taga saan ang mamang ito? Sorry di siya peninsulares or insulares . Isa syang Indio – may tipon tipon pala ang mga Indio don sa kantong yon! At syempre pa ang beauty ko pala don ay Indio … Bwahaahahah talaga naman pang international kuno pala ko.
- Napansin niyo ba kung bakit pag nagkita kita pinoy eto ang hirit nila. Kahit na nga ba years and years ang nagdaan. Kagaya nitong isang kaibigan ko nung high school. Tagal rin namin di nagkita , mga 6 or 7 years.
Pokwang: ( super excited at tuwang tuwa sa muling pagkikita, ang tagal rin ng 6 na taon ah) Oy kamusta na kayo, long time no see ah.
Inday : (nanlalaki ang mata at bulaga etong bungad niya sa kin) Naku Pokwang, ang taba mo!!! As in!! Ano ba yan!!??!!!
Pokwang: ( ???!!!! huh, hello di man lang ako kinamusta – eto na napunta na usapan kaagad sa laitan! ano kaya masasabi ko niyan)
- Tama ba naman yon? O siya matapos ang laitan eh tsaka pala ang kamustahan, eto pa isang typical na usapan:
Maria : Oy Pokwang, ang yaman-yaman mo na. Magkano ba sweldo mo don sa Alemanya? Aba libre ka naman.
Pokwang: (huh???, yaman yaman take note ha! eh samantalang dito sa Alemanya nakatali ako sa utang 20 na taon. sabi ko na nga ba sa librehan mauuwi usapan eh)
- Eto isa na namang paboritong usapan ng mga magbabarkada na matagal ng di nagkita, kahit na nga sa chatroom lang eto pa rin walang sawang kamustahan ala pinoy
Petra: Hoy Pokwang, ilang taon ka na bang kasal? Bakit ba wala ka pang anak? Ano ba yan, napagiwanan ka na ng panahon! Bakit ba ayaw mong magkaanak???!!! (Take note, ni wala man lang pause in between )
Pokwang: (huh??? teka ni hindi man lang ako binigyan ng chance sumagot ah, na accused na agad) Eh wala pa, antay antay na lang darating rin yan.
Inday: Ano ka ba Pokwang, anong antay antay?? Kailan pa yan? May diperensiya ka Pokwang!
Pokwang: (aray ko po, ako na naman may kasalanan!)
Pero kahit na nga ba ganyan nag uumpisa ang kamustahan eh di ko pa rin itatakwil ang mga kaibigan kong ito, syempre pa di ko sila masisi, ganyan lang talaga ang kultura. Malamang ganyan rin ako dati. Iba iba ang paraan para ma express ang kamustahan.
Dito kasi taboo ang usapang pera, weight or kung may plano kang magka-anak. Personal yan, below the belt kumbaga. Pero sa Pinas, small talk lang yan. Kaya etong asawa ko tawagin na lang nating Tasyo, kasi pilosopo siya eh. Pilosopo Tasyo (next time na lang kwentuhan tungkol dyan) . Napikon nang una. Pano yung clerk sa Philippine Airlines tinanong ako kung ilan daw ba anak gusto namin , tapos yung bungad rin sa kanya ng mga tyahen at tyong na ang taba niya!! (di umabot sa briefing ang extended family kasi yung pamilya ko lang na briefed ko) Pero ngayon sanay na rin sya, eto hirit niya -
Makalipas ang 2 taon nagkita ulit si Tya Belen at Pilosopo Tasyo. Syempre kamustahan … ala Pinoy
Tyang: Naku Tasyo anong nangyari sa yo, ang taba mo!
Pilosopo Tasyo: Oo nga eh , kasi eto si Pokwang ang sarap magluto
O di ba? Galing ni Tasyo, na train na eh.
Dati rati eh san miguel beer lang ang katapat ko, super dry pero ngayon eh pa wine wine na lang. Naisip ko lang yan habang tumutungga ako ng riesling, isang uri ng white wine dito sa Alemanya, pinagmamalaki nila dito yan sa lugar namin. Dito kami nakatira malapit lapit na rin sa taniman ng mga ubas at isa sa mga kaibigan namin, nag organized ng wine tasting. Eh kahit ano pa sabihin niyo sa totoo lang wala pa ring tatalo sa inuman ng pinoy, yung may matching pulutan kagaya ng sisig, lechon kawali, chicharon bulaklak at kung ano ano pa. Eh dito, wala habang tumutungga ka ng iyong wine eh dapat amoy-amoyin mo sya at dahan dahan lang lunok. Para manamnam mo ang lasa. Itong wine daw na ito eh ay lasang peras na may halong strawberry at halimuyak ng bulaklak ng dalandan. Ahahahahay di ko naamoy or nalasahan yon pero sige na nga tungga pa rin.
Naalala ko tuloy nung nasa kolehiyo pa ako- syempre, Sabado nights gimmick time na naman. Kahit na nga konti walang lang pera basta chip -in makakaraos na rin. Tambayan namin sa katipunan, may bilyaran don at pwede na rin mag inuman. Habang tumutungga sabay laro na rin. Pero kahit na nga walang pera may pulutan pa rin – mani nga lang eh limited lang budget. Isang platito ata 5 pesos. Syempre pa mahaba pa ang gabi eh dapat dahan dahanin lang tungga. Aba bilgang saway sa min ni Kim, eto dialog niya
Kim: Oy, oy tama na tira nyo sa mani ! Pulutan yan di kanin!
Oo nga naman kahit na nga yamot kami eh sige na nga tipirin daw ang pulutan. Ay naku, malayo layo na rin pala narating ko, pero bakit ganon kahit sandamukal na pulutan ihain mo sa kin ngayon eh di na ganon kasaya di gaya ng dati.
Naalala niyo pa ba si Pokwang yung komiks na mahilig mag kandirit? Di ko na nga maalala san komiks yon, sa Funny komiks ata. Aba ina-arkila ko pa yon sa Session Road, sa tabi ng bahay namin may nagtitinda ng komiks pero since kapit bahay namin siya pwede kong arkilahin komiks niya. Aba trenta sentimos lang mula sa baon ko. Buti na rin yon kesa bumili pa ako eh P1.25 ata yon isa. Kahit na nga masakit sa bulsa eh sige na nga para lang makajoin si Pokwang sa kakulitann niya at sa kakakandirit niya.
Sabi ng nanay ko nung unang panahon eh para raw ako si Pokwang kasi hilig ko rin magkandirit. Sa totoo lang tuwa talaga ako kay Pokwang kasi ang kulit niya eh. Kaya eto kakakandirit ko eh napadpad ako sa Alemanya. Di ko alam kung ito na ngang huli kong kandirit. Kasi sa kaka-kandirit ko eh napadpad na rin ako kung san-san. Kaya join na rin kayo sa kandiritan dito sa Alemanya.


Bagong Puna